Saturday, November 26, 2011

Bato

I.

Matapos mo akong iwan, itinuring ko nang bakal ang aking sarili, at ang lahat ng nilalang sa mundo bilang bato.

Nakita ko ang mga naggagandahang dilag bilang mga dyamante na hindi ko ninanais bilhin, ang ulap ay lahar sa pagsabog ng pinatubo, ang dilaw na araw ay nakabubulag na gintong walang paggagamitan, at ang mga maya ay putik na kinuyom sa kamao ng magsasaka at pinalipad tungo sa tahanan ng panginoon.

Kinasusuklam ko ang mga sulat na naipon sa ilalim ng aking kama, Pinanghihinayangan ko ang mga gabing pinagpuyatan sa paghihintay sa iyo, isinusuka ko ngayon ang pagnanasa ko sa iyong kaway, sa iyong mga kumusta at paalam.

Kaya't kung ikaw ay lalapit, asahan mong itataboy kita; kung ikaw ay ti-titig, ipipikit ko ang aking mga mata; at kung magkataong ang aking tainga ay dapuan ng iyong tinig, isisigaw ko ang lahat ng galit sa aking dibdib hanggang mabingi ko ang sariling pandinig mula sa nakapapaso mong himig.

Matapos mo akong iwan, itinuring ko nang lahat bilang bato—at ikaw, ang bato-balani sa kinakalawang na bakal kong puso.

II.

Minsan, may mangingibig na lumapit sa akin at inalok ako ng kaniyang pagmamahal, hindi ako natinag; natupok siya sa lamig ng aking balat, ng ginaw ng amihan, ng patay na simoy ng hangin at mga tuyong dahon sa daan. Sinabi niya na siya’y umaasa, ako man ay umaasa ring siya’y maglalaho. Ngunit gaya ko, siya rin ay hindi natinag, at magmula noo’y itinuring niya rin ang lahat bilang bato.

Paglaho/Pagbabalik

Kung maaari, isipin mo na lamang na ako’y naligaw lamang

sa aking daan pauwi, at balang araw ay muling magbabalik.


Sa katotohanan, nauna nang manumbalik sa iyo ang aking tawa

na dinala kanina ng mga ibon na nagpapahinga sa mga kable ng kuryente;


nakita mo na rin ang aking ngiti sa mga batang naghahabulan

habang namumulot ng bote sa mga basurahan;


ang aking yabag sa estudyanteng nakasunod sa iyo sa martsa;

at kanina, sa iyong pag-uwi, ang aking halik sa kape na pumaso sa iyong labi.


Darating ang disyembre at madarama mong muli ang init

na hatid ng aking yakap sa ilalim ng ating kumot.


Darating ang mayo, at matutunghayan mong muli ang aking luha

na nangingilid sa labas ng pisngi ng ating bintana.


Kung hindi pa rin ito sasapat, subukan mong tignan ang araw

sa pagitan ng mga pulang gulod, ito ang aking puso;


Tignan mo ang laksang tala sa langit, ito ay ako na nakatitig pabalik sa iyo;

Damhin mo ang simoy ng kabundukan, at pakinggan ang aking nanunuyo na bulong.


lagpasan mo, mahal, ang lungkot na naipit sa mga lukot na polyeto;

hayaang mong burahin at tanggalin ng hangin ang nawawala na tatak sa ilalim ng aking pangalan;


iwasan ang madidilim na kalsada, at bulag ang kanto pauwi sa ating tahanan;

iwasan mo ang labis na paglingon sa naglaho ko nang anino,


Datapwat, ibaling mo ang iyong mata sa dulo ng daan na hinuhulma ng digmaan,

at doon, sa punto ng pagsasalubong ng wakas at simula


naroon akong naghihintay, sa iyo, at sa sambayanan, nakahimlay sa pagitan

ng mga pitak ng lupa na minsang nating pinangarap na magkasamang tamnan.

Wednesday, November 16, 2011

Sa susunod

O baka naman hindi. Pero pa nga ba ang magagawa ng ganitong pagpapahiwatig, kung ang pagkakasala nahusgahan na sa hukuman?

Ikaw ay hindi nararapat, kaya marapat lamang na ikaw rin ay masaktan gaya kung paano mo sinaktan ang iba. Mula sa araw na ito, ikaw ay lilimot, ikaw rin ay makakalimutan. Ikaw, ay iiyak, hindi, mas mainam sabihin na ikaw ay magkukulong sa kwarto at walang makakaalam at walang may pakialam, pagkat pinili mo iyan.

Kung ika'y nagnanais na magdadahilan, sapat lamang, ngunit iyong alalahaning alam namin na ikaw ang siyang ikaw na uminom nang lagpas sa alam mong kaya mong dalhin, ikaw ang siyang ikaw na pumili na humiga sa kama, ikaw ang siyang ikaw na hindi lumipat nang siya ay tumabi, ikaw ang naunang humawak, ikaw ang humalik. Maaaring ikaw ay nagdalawang isip, oo, hindi namin ipagkakait sa iyo ang ganitong palusot, ngunit sa huli, para saan pa, pagkat malinaw na ikaw, ang siyang ikaw na nagtaksil.

Kung ipagbabaksakali mong ikaw ay kanyang hihintayin, masasabi kong sasakalin mo lamang ang iyong sarili, siya ay hindi tumatanaw gaya ng iyong pagtanaw, hindi siya nagtatansya pagkat hindi ka niya kailangan, maaaring kailangan mo siya, maraming beses mo na itong nasabi, ngunit sa dulo, ang magpagpasya pa rin ay siya, at ang pasya niya ay iwan ka.

Malungkot ka, sige, pagkat ano pa nga ba ang husga kung walang parusa. Ikaw ay hindi makakatulog sa unang linggo, hindi makakain sa unang buwan, iiwasan sa mga susunod pa. Matapos ang isang taon kami ay babalik, sapat na ba ang sakit? maaaring sumagot ka ng oo nauunawaan ko na ang aking nagawa, nagbago na ako, ngunit kung ikaw nga ay lubusan nang nasaktan, bakit mo pa siya babalikan? At kung hindi naman ang iyong sagot, sayang, maaaring may pag-asa ka pa naman.

Maikli ang buhay, kaya't kadalasan, walang saysay ang paghihintay.

Thursday, November 3, 2011

Confessionario

Gaya ng ipinipilit ng marami, hindi ako umiibig sa iisang tao. Hindi ako nalulungkot na umalis si Maan, maaaring nalungkot ako noon, pero hindi ko masabi sa ngayon. Kasabay nito, hindi rin totoo na nalulungkot ako dahil may bago na siyang katipan, at lalong hindi totoo ang palagi kong binabanggit na masaya ako para sa kanya, dahil sa totoo lang, wala akong pakialam. May kung ano lang na nagtutulak sa akin na parang palagi kong kailangan na magpaliwanag, o dahil minsan, wala lang talaga akong makwento, at iyon lang ang isa sa pinaka buong kwento na meron ako. Kaya rin siguro naiisip ng mga tao na hindi ako maka-usad sa kanya. Pero tangina na naman please, dise-sais ako nun, tae anong alam ko nun. Kainis.

Sa katunayan, ang daming beses ko nang ipinagpalagay na umiibig ako, dahil naiisip kong iniibig ko na ang isang tao kapag naiisip ko sa mga puntong iyon na kaya kong mabuhay nang lampas pa sa habambuhay na kasama sila. Pero siyempre hindi naman kadalasan nangyayari yun, o mas malupit pa nga, hindi pa talaga nagaganap ang walang hanggang pananatili ng ideya ng walanghanggan sa kokote ko.

Halimbawa:
  1. M***, palagi kong ikinukwento kung gaano kita kamahal. Pero kailangan mailinaw dito ay kung gaano kita kamahal noon, hindi pa ito yung tagal ng buong pagsasama natin, mas sa simula lang siguro. Kasi kung maaalala mo rin, halos kada-linggo ako nakikipaghiwalay sa 'yo nun. nagsasawa na siguro. Totoo rin na nagka-gusto ako nun kay L*** at kay M****, at hindi lang ito petty shit, parang naiisip ko noon na, what the fuck, life would've been better if i'm with them. Of course sa ngayon sa tingin ko ang stupid na rin nung thought na 'yon.
  2. K**, gaya ng ipinagkakalat ng maraming tao, hindi ako nagsawa sa iyo dahil nagka-gusto ako kay A****. Actually out of the picture si A**** for the duration na nagte-text at stroll tayo, gustung-gusto kita nun, super enjoy mo kasama, but your friends, they're driving me crazy. Somehow i felt na ayaw nila sa akin ng sobra, at dumating sa punto na parang napuno na lang ako, and i was like, fuck this, she's all yours crazy shitheads. Masaya naman ako na bigla nila pinagkalat na babaero ako, though ewan ko kung paano gumagana iyon nung panahong yun.
  3. A****, sorry. To make things simpler, bigla akong nagsawa, that was that. I'm so sorry.
  4. E***, naging stalker mo ako nun, siguro dahil hindi naman kita nakakausap sa klase. At sa totoo lang nadurog ako nun noong nalaman kong may boyfriend ka. Pota. Haha.
  5. C*****, super super attracted ako sa'yo. Pero siyempre dahil sa contract sa pamilya, alam mo naman, medyo napilitan akong idismiss yung pakiramdam, mas kinalimutan lang siguro, pero hindi naman talaga nawala, parang kay Eira, kasi pareho kayong may boyfriend noon, ayokong ng gulo, baka mamatay ako agad.
  6. A******, I really don't know kung ano gagawin ko sa'yo. Sa'yo ko unang na-realize palagi akong nagsasawa agad, pero from time to time bumabalik-balik yung pakiramdam. Ganung-ganun pakiramdam ko sa'yo. Sobrang saya mo kausap, but you're too good as a friend, alam mo naman, mas nagtatagal ang friendship kesa lovelife, so i'd rather have you as my friend. Pero putsa, dati, hindi mo lang alam, pinipilit ko palaging mag-abot tayo.
  7. S*****, ayun, hindi na ako infatuated sa'yo. Dumating na nga sa puntong i don't really care. Kaya ewan ko kung anong magaganap dito. Good luck sa atin.
Ang punto, sa ngayon, madali akong magkagusto sa maraming babae, at sa praktika ng nakaraan, makikita na madali rin akong magsawa. Hindi totoong wala akong tendency na mag-cheat, dahil meron. Kung tatanungin niyo ako kung bakit hindi ko ito binukas dati, well, hindi ko pa siya napagiisipan nang ganito kalalim noon, though i tried to, and i arrived at a different conclusion.

Yun lang. Bow.

Monday, October 24, 2011

Article

hindi pa man natatapos ng peryodista

ang artikulo tungkol sa isang aktibista

na pinaslang ng mga pinaghihinalaang militar

ay may panibago nanaman siyang kwento

na kailangan tapusin,

bago pa tuluyang matapos ang gabi.


masyadong mabagal ang sulat kamay

kumpara sa usal ng bibig,

kayat hawak niya ngayon ang recorder

at nagsalita:


dati na siyang nagsusulat ng mga tula

at kwento tungkol sa dukot, sa patay,

sa digma, at may ilang panahon na rin

sa larangan ng pamamahayag

ng mga pangalang binura sa mahabang

listahan ng mga taong labis ang galit,

pagpupumilit, panggi-giit ng labis

na paghahangad sa labis-labis

na panganib. ngunit ano pa nga ba

ang magagawa ng pagsisisi,

kung ang punlo ay nakatututok na sa likod ng ulo?


ilang minuto bago ang pagsambulat ng dugo mula sa noo.

ilang minuto bago ang pagkalabit ng gatilyo.

may motorsiklo na tumigil sa harap ng kaniyang bahay,

sinundan ng army trak, at bumaba

ang kung may ilang lalaki,

na hindi na niya nakita ang mukha.

subukan man niyang humingi ng tulong

huli na rin ang lahat. tumatahol ang mga aso sa labas.


itatago niya pa sana ang recorder sa ilalim ng kama

ngunit biglang bumukas ang pinto,

at mula sa likod ng kanyang ulo, isa-

isa silang kumalabit ng gatilyo.

Sunday, October 23, 2011

ok

Wala pang sampung minuto ang lumipas nang pumalit na taliba ng platun si X ay malalim na ang tulog nang kasamang pinalitan. Dahan-dahan siyang umikot sa primera—segunda—tersera, at nang mapansing wala sa mga ksama ang gising, dali-dali niyang kinuha ang kanyang backpack, isang portipayb, at isang extrang magazine, sabay alis sa unit. Sa paa ng gulod, sinalubong siya ng isang tao. Sa dilim ng paligid, hindi niya maaninag kung isang ba ito sa mga masa, kasama o kaaway. Dinukot niya ang kalibre mula sa pantalon, putangina mo, sino ka, ngunit walang imik na nagpatuloy ang anino sa paglakad papunta sa kanya. Tang’na mo, papasabugin ko bungo mo kung hindi ka titigil, ngunit patuloy pa rin ang paglapit ng tao, nagpaputok siya ng isa, dalawa, tatlo, hanggang maubos ang laman ng magasin. Hindi bumagsak ang tao, at hinawakan siya nito sa dibdib.

Bumangon ang platun sa magkakasunod na putok ng baril, alisto, komand ng CO. Marahan ang pagsuyod ng segunda sa gulod hanggang matunton ang katawan ni X na nakakulumpon ang katawan sa lupa. Pawisan, basa ng ihi ang salawal, tumutulo ang laway at maga ang mata sa iyak nang kanila itong madatnan. Anong nangyari? Nungit hindi makapagsalita si X. pinulot nila ang mga basyon ng bala sa paligid, laluna ang mga nakalinyang mga balang tumutunton sa lugar ni X, na tila tumatama sa isang papalapit na kawalan. Nagsalita ang CO, pack-up, lalakad tayo ngayong gabi. Tanong ng isang bagong sampa, sino yun chip?—sagot ng CO, hindi mo pa pala kilala si H...

Thursday, October 13, 2011

Pagkabigla/Pagkalunod

Ikaw ang pag-ibig na hindi dumating

ang kabog sa pusong hindi tumibok

ang mga gabing nilagpasan ng tulog.

Ikaw ang lumisan sa aking pagdating

yumuko nang tumingala ang ulo;

kaya’t diretso akong napalakad pagdating nang hangganan

nagpatuloy sa katapusan

nanood ng pelikula matapos ang credits sa sinehan

naligo pagtila ng ulan

at na-ngiti nang tapusin mo ang lahat

lumigaya sa iyong paglisan.