I.
Sa isang punit ng puting papel
Katabi ng tinimpla mo noong kape para sa akin,
Nakatipon ang mga letrang nagsasaad ng
Mahal, gabi na ako uuwi.
at lagda ng iyong halik—na
noong gabi rin mismong iyon
ay niluma ng hindi mo pag-uwi.
II.
Naglinis ako ng kwarto
Nang maging tulad ng balita ng pagdampot sa iyo,
Ang mabilis na paglitaw ng nagkalat mong buhok
sa nilakaran ng iyong anino.
Sinimulan kong pagpagin ang bawat ibabaw at loob
ng lahat ng aparador; winalis
ang ilalim ng hagdan
pati ng kama’t ilalim ng mesa, at isa-
isang dinampot ang iyong mga buhok
na kinulot ng matinding bilad sa init ng araw-
araw, ngunit ngayon marahil ay
sa lamig?
Ingat na ingat kong itinikom ang nagsusumigaw na mga hibla
Sa isang pilas ng gusot na papel,
lulan ang mamasa-masang mga letrang ginamit mo
Upang maging larawan
Ng iyong tahimik na paglisan.
III.
Naaala-ala mo pa ba—ang lagi mong biro sa akin:
Litrato ko na ang susunod na nakakabit sa ibabaw
Ng poster na may lagdang DINUKOT?
Ngunit bakit tila yata ngayon, ang biro’y nasa iyo.
IV.
Tuwing iidlip ako sa ating kama
Nadarama kong para bang hinahapo ang iyong kutson
At namimigat ang iyong unan,
Kung minsan sa madaling araw
namamaluktot ang iyong kumot
Sa lamig ng tama ng hangin mula sa bentilador:
Kadalasan akong nasusuntok at
Ang mga sulok-sulok nito’y patalim
Na dumadaplis sa aking pisngi—mahapdi:
Tila hiwang dulot ng iyong halik.
Kaya’t isinisingit ko ang aking tainga
Sa pagitan ng kubrekama, ngunit
Rinig ko pa rin ang iyong iyak;
Ang kumakawala mong tawag sa aking mahal.
Sa mga gabing tulad nito ng pagkabalam,
Wala akong magawa kung lamukusin
Ang iyong liham na tanging alaala
Ng iyong pagiging; mahigpit ko itong tinatanganan
Na parang patalim na ibinabaon, paloob
Sa aking dibdib.
V.
Wala na ang iyong pangalan sa lahat ng pahayagan;
Ang mga karatula, kung hindi man pawang puti ang naiwan
Kapalit ng iyong mukha, ay matagal na itong nilipad, nagkapunit-punit
At nalusaw sa pagbagsak nito sa mga nabubulok na kanal ng siyudad.
May mga nagsabi sa aking itinapon kayo sa nayon
Ang iba nama’y birong malamang sa ilalim kayo ng bundok ibinaon.
Unti-unting sumikip ang ating silid, hanggang isang araw
lumabas ako ng pinto, at kailanma’y hindi na nagbalik .
Pagkat marupok ang poste upang pasanin ang bigat ng inyong panawagan;
Paos ang peryodiko sa nagsusumigaw ninyong mga ngalan;
Napakarumi ng tubig sa makikitid kanal ng hustisya ng siyudad
ngunit ito mismo’y di kayang patayin ang apoy ng paghahanap—
na di makukulong sa apat na sulok ng silid.
At kung bundok nga itong ipinangbaon nila sa inyong katawan,
Marapat na itong hukayin nang lumaya nang lahat ng tinabunan;
Sa anong porma man ng punlo idaan, tahakin man ang matatayog na daan.
*Exodo
Oo, babawiin natin ang mga ninakaw na sandali,
Na pangalan, pagkilos, mga yakap, at sanlibong mga halik;
Ngunit di rito, bagkus doon, sa lugar na patutunguhan
Ng daan na nalikha sa pagpatag ng milyong
Mga paang natutong kumapit
Kahit sa madudulas na putik
At malilit na batong naka-usli.