Manginginig ang silya sa lungkot ng pag-iisa,
Na tila panalanging ibinitin at nilagutan
Ng pakpak ang anghel niyang kabiyak,
Hindi siya maililigtas ng kanyang kaparehas;
Pagkat ang Pobre ay walang pambayad
Sa pobreng Unibersidad,
At ang pangungulila’y pinunan
Ng milyun-milyong puhunan. Nanginginig
Ang silya sa daing
Ng pananabik sa lamyos ng kalyo
Ng palad ng maralita;
Talas ng talim ng isip
Ng anak ng magsasaka. Nagngangalit
Ang kasukasuan ng upuan ng kawalan;
Waring nais tumindig at iulat
Ang listahan ng mga pangalang
Nawawala o di kaya’y binura
At nilapatan ng bagong mga ngalan. Isang araw,
Panibagong bangko ang mawawalan ng lulan
At madaragdagan pa ng isa at dalawa,
Tatlo, apat… hanggang itong silid
Ay maubusan ng laman, hanggang
Ang bulwagan ay mawalan nang laman.
Sa iisang daan, titindig, aabante
Ang mga nagsipaglisan, at doon
Sa iniwang bakas sa kalye ng sanlaksang
Paa na kumaskas, muling lulutang
Ang binura/tinakpan na mga pangalan.