Monday, October 25, 2010

kagabi

actually kaninang 3am.

kumain ako ng MALAKING bread na may 8 slices. but no, i only ate 2 slices. it was 2.30 am or so, at dead asleep na si patricia, and she was locked up in her room. after finishing off the second slice, i turned to the computer, which is, by the way only 5 feet away from the table, where the bread was. i went to check my fb, which took me around 30 seconds or so, then i got back to my bread, and i know it still has 6 slices on it. but oh no! it only had 3 when i got back, so i assumed patricia ate it, but then again, she's locked up in her room. i knocked to ask her, but she's so sleepy she didn't even had the 'power' to open her eyes.

i bet the thin air ate it.

Monday, October 18, 2010

condo sa makati, isang gabing may bagyo:

Kung kalakhan ng gabi'y tulad ngayon
na nakabibingi ang iyak ng hangin at mainit ang patak ng dilim,
maaari bang,
wag na lang dumalaw bukas ang Araw?
Hindi,
maari bang wag na rin siyang sumulpot hanggang sa susunod na linggo,
hanggang sa susunod na buwan, at sampung taon
mula sa gabing ito.
Pagkat ayokong maala-alang luha ang aking narinig
at kulog itong nagpapikit sa aking mga mata
ngayong gabing ang langit ay kumakatok
sa aking bintana--nang dahil lamang
alam kong naghihintay sa akin ang umagang
maligamgam ang liwanag at humahalik
ang malambot niyang hamog.
pagkat kung hindi, at kinabukasa'y magising
ako sa nandidilat niyang sikat
habambuhay na mananatili
sa aking mga tala
ang hagulgol na naukit
ng walang hanggan gabing ito.

lohika ng imortal na pagibig

kung nais mong angkinin ang aking pag-ibig,
kailangan mong matutunang mabuhay nang wala ako
maaari ko sa'yong iwan ang aking salawal, kung nais mo.
ang aking buhok, sapatos, maging aking balat ay sa iyo na rin.
ngunit hindi ang aking puso, ang aking dugo, lalung lalo na
ang natitirang litid ng aking taba. pagkat kailangan ko ito
sa aking paglisan,
paglisang mabilis pa sa pagikot ng mundo
o sa paglipad ng mga bulong sa hangin. tatakbo ako
nang walang hintu-hinto, walang lingun-lingon
palayo sa iyo, at sa lahat ng mortal na iniwan,
mga pabigat sa katawan at lahat ng kagandahan
ng konstelasyon sa kalayuan,
kalayuang aking patutunguhan:
doon, sa di-maarok na liwanag,
sa epasyong nagtatago sa likod ng mga tala,
higit pa roon ang aking pupuntahan;
doon, kung saan mapupunit ang hangganan ng cosmos
at nabubulok ang mga ilaw
doon, sa lugar kung saanpipi itong relo
at walang buhay, habambuhay
mapapasa-iyo ang aking pagmamahal.

Bilin (tulang pambata)

Itinuro sa akin ng aking amain,
tabi-tabi po'y palaging gamitin
na pangharana sa mga tanawing masagana
at tinitir'han ng mga engkanto at engkantada.

Tumitira sa punso ang mga misteryoso
upang sa tuwina'y mabantayan tayo,
babatiin ang banta ng mga kaaway
na agawin ang lahat ng ating ikinabubuhay.

Kaya't ang tabi-tabi po'y binabanggit
kapag sa kasukala'y sumasaglit
pagkat ang mga nuno'y nais malaman
kung ang dumaraa'y mga kaibigan.

Mapapansin ika ang palaging naparirirto
na siga-sigang mga unipormado.
Sira lahat ng pananim sa mabibigat nilang bota,
walang sinasanto ang mapangitil nilang bala.

Ang mga unipormado'y minsan na 'kong pinaginitan,
hinabol, at binuntutan paloob sa Buhuan.
Tabi-tabi po agad ang aking sambit
nang sa pagangat ng gulod may lumangitngit.

Agad akong nagtago sa punong Sampaloc
nang binabagbag ng mga armado ang daan parurok.
Malutong na naglagitikan mga pananim,
Tabi-tabi po'y tila kinalimutang banggitin.

Mula sa anino ng Camachilihan,
mga nuno'y isa-isang nagsulputan.
Isang bugso lang ng hanging ang kinailangan
upang mga kaaway ay lantang dahong magbasakan.

Ito na marahil ika ang huling paglalathala
hanggang isipa'y handa na sa muling pagkikita.
Basta bunso, tuwing magagawi sa sukal
alaalalahanin ang iniwan na aral:

tabi-tabi po, ihuni sa hangin
sa puno, halaman, sa mayamang bukirin.
Ang inyong mga bulong sa ami'y harana,
paalam bunso, hanggang sa muling pagsasama.

tula ng pamamaalam

matapos ang tatlong taon,
wala ba diyang yakap na pasalubong?

oo, ito na nga, nay, ang nangyari sa akin:
daliri iyong hawak-hawak mo kanina
ngayon ang tawag diyan ay mga paa,
nahawi mo na rin ang aking buhok,
kaya't siguradong iyong naarok
ang istorya ng may-bangas na tuktok
at
alam mo bang naikwento na rin sa akin
ang mga himas na ito,
na maglalaro mula sa aking puyo,
bababa ang kamay, pari't parito
hanggang humantong
sa nag-iisang nunal sa gilid ng ulo.

kung ako sa iyo, nay, hayaan nang nakabalot
ang tinatago ng duguan na kumot:
hitang durog
magkahalong bayag at bulbol
sa malgkit na nana at tamod:
latak ng laksang inipong libog.

nasaan anak ang puso mong sumampa?
inusisa ang butas kong dibdib at walang nakita.
sa banging pinaghuluga'y wala nakita;
ang kampo'y walang nakita:
tahimik kapwa pulis at mga preso,
at mga lapida ng sementeryo sa iyong bisita.

datapwat,
sa mga bahay sa kabundukan, aplaya at sakahan
ika'y kumatok.
sa mga nanay, tatay, ate, kuya at kasama
mo itinanong
, naparito po ba ang puso ng aking anak?
mangyari po kasi ito'y minsan sa ami'y nawalay
at balitang dito umano, sa inyo, ay umagapay.
mangyari rin naman ika'y yayain
na sumulong sa palaisdaan at masaganang bukirin.
magdamag silang mag-aararo at manglalambat
hanggang mahango ng kalyuhin nilang palad
ang anino na hinahangad.
ngayon, tignan mo nanay magagaspang nilang kamao
tangan tangan ang puso kong abo
na tumitibok pa ring ibinabalik sa iyo.

tula sa gabi ni bryan

“..ang gabing ito ay sa rebolusyon, at sa dalawang natatanging tauhan.”

-Patrick Bautista

I

Pagkat basa ang ating mga balat, mula sa kani-kaniyang mga larangan

Kaya’t pinili nating lumisan, upang dito’y magtungo, at ipaubaya ang pag-ibig sa ibang gabi.

Pagka’t ang langit ay walang buwan , walang tala, wala rin ang mainit na simoy

Na magtutuyo ng basang-basa nating pagnanasa;

Basa ng pawis sa paglalakbay, ng luha ng pakikiramay

Basa ng laway at dugo ng nakikidigma nating kaluluwa; pagal

Sa magdamag na pagtatalumpati ng katotohanan ng walang hanggang pag-ibig

Natin sa katotohanan?

II.

Kaya’t ipaubaya na lang natin ang romansa sa nagkukubling buwan at mga tala

Hayaan na muna natin silang magsawa sa pag-ibig ng isa’t isa;

Upang magawa natin—bilang mga mortal—ang seremonya ng ating mga mortal na pagnanasa:

Ang pagbasag sa katahimikan ng imortal na pantasya. Gaya ng pagdurugo ng laman ni Kristo,

Mga bulok ng mga prutas sa Eden at pagtahimik ng baril sa gitna ng mainit na laban;

At tawagin natin itong hapag ng seremonya sa bansag na Rebolusyon:

Ang praktika sa dialektika ng sangkatauhan; ang pagdurog ng luma;

Ang harmonya ng ngayon: ang tipan ng bagong kaayusan, parang itinatakda

Ang katiyakan ng mga ako ay ganito, at ikaw, ay ganyan,

ang paglubog ng isa sa isa.

Sonata ng magkaiba sa proseso ng pag-iiba ng bawat isa—

Kaya, ibaba muna natin ang ating mga armas at patuluyin ang kumakatok

Na mandirigma. Patuluyin at kumustahin, patuluyin sa katahimikan ng ating pagiging.

Kilalanin natin ang dayuhan sa isa, at isa, sa lenggwahe ng mga tasa

Ng mainit na kape, ng malamlam na ilaw ng gabi, ng yosi at hamog

Na usok. Sa paglusaw ng ating mga inidibidwal na pagnanasa, dito

Sa pinag-tipanang hapag, upang iwan itong rebolusyon at ipagpatuloy

Ang naudlot na pag-ibig nang mag-Kasama.