Tila tumibok muli ang aking puso
Nang madama kong nariyan ka
Sa likod ng kumot
Na nakatakip
Sa aking katawan.
Mainit pa rin ang kamay mo,
Tila kahapon lang ang tatlong taon
Na nagdaan noong huli mong hinawakan
Ang aking kamay at hinagkan
Ang aking noo.
Oo, narito pa rin ang nunal sa tainga
At balat sa dibdib,
Pasensya ka na kung malaki
Ang aking ipinagbago,
Hindi ko rin ito ginusto.
Kung ako sa’yo ay iwan na lamang
Nakatago ang tinatakpan ng kumot,
Wala na kaliwang braso, ang kaliwang hita
Ay halos naputol na rin sa taga,
Niratrat ng bala ang tiyan, at ang puso
Ko ay wala
Sa butas na dibdib.
Ang nais ko sanang gawin mo,
Bilang ikaw na rin ay naparito,
Nais ko, na itago mo
Ang puso ko. Ngunit huwag
Mo nang tangkain na hanapin
Ito sa lupa
Na huling nahagkan. Wala ito roon.
Wala rin ito sa plaza, kung saan natuyo
Ang balat ng mga nanay na maghapong nagbantay
Sa tinutuyo kong dugo,
Hindi ito nalaglag sa dyip,
Hindi naiwan sa sako,
Bagkus, sa mga bahay
Sa Kalawakan
Ikaw ay magtungo. Hanapin ang tatay
Rudy, tatay Emir, nanay Sesil
Nang Joy, Ka Nicole, hanapin
Mo si Janjan, at sa kanila’y ibulong
Naparito po ba ang puso ni Eron?
Hahatakin ka nila isa-
Isa sa bawat sinasakang gulod,
Maghapon silang maga-araro
Hanggang mahango ng kanilang mga kamay
Ang aninong hinahangad.
Sa puntong iyon, tignan mo
Irog, ang magagaspang nilang palad
Tangan-tangan ang puso kong abo
Na tumitibok pa rin na ibinabalik sa iyo.