Friday, June 24, 2011

liham



Di mo na nalaman, ngunit kayraming salita ang aking isinipi

Para sa iyo, at sa iyong larangan, isinilid sa papel,

Itinupi, at ilang gabing tinimpi sa ilalim ng aking kama.


Naroon ay ang bilang at pangalan ng mga kasamang nadapa

Sa welga, mga naligaw sa martsa, mga nahuli’t humabol,

Mga hinuli, nagulpi, at ilang mga bumaklas sa hanay at piniling umuwi.


Naisingit din doon ang ilang piraso ng biging luha

ng mga taong di ko tiyak kung nalimutan mo lamang pagpaalaman

O sadyang iyong pilit pinagtaguan ng iyong paglisan;


May mga nagpaabot din ng diin ng paggigiit at pahabol na hinga;

Buntunghininga ng mga di naka-intindi, ng mga nanghinayang

At ng mga ayaw umamin na naiinggit lamang.


Naroon ang mga pananabik ko sa mga kwento mo

tungkol sa sapa, sa madulas na putik at matatalas na bato;

Ang mga napasong tanong, na parang papaano naitatanim ang binhi?


Paano inaani? paano pinapaningas ang baga kahit may ulan?

Paano nililinis ang kagubatan? Paano lumiliko ang batis sa batuhan,

Papaano humahawan ang tubig ng bagong mga daan?


At ang mga nahuling paalala, tungkol sa mga panganib

Ng nakapapasong liwanag ng tanghaling tapat

at nakamamatay ng lamig ng madaling araw.


Kaya, ang lahat ng mga letra’y walang matang dinaungan,

Nang sa wakas, kinuha ko ang sulat sa ilalim ng aking higaan.

Nilukot ang mga letra’t napiga ang mga bulong,


Napanis ang mga hinga sa giniginaw na palad,

At hinagkan ko ang liham, sabay siksik

Sa takip ng kahong nag-uwi sa iyong katawan.