Hindi na mahimbing ang ating mga tulog;
tila hinahapo ang nag-iisang lundo sa kama
na binugbog ng di mibilang na oras
sa hindi mabilang bilang na magdamag.
Tuwing madaling araw, mabilis tumiklop
ang kumot sa pagtama ng hangin mula sa bentilador;
tumataas ang punda ng unan, tila mga kamay na sumusuko
habang tumatagos sa manipis nitong balat ang malamig na hangin.
Sa labas ng bintana, maririnig ang iyak
ng mga pusang naghahanap sa mga kuting na naliligaw
o di kaya ay dinukot, ng dilim?
hindi mapigil ang ungol ng mga katawang binabangungot
sa panandaliang dalaw ng mga anak, asawa at magulang
na agnas nang nadatnan sa pilapil, sa talahiban,
o sa ilog, palutang-lutang.
Sa umaga, mapalad na ang mga nagigising
baon ang natuyong luha mula sa pilit na kinakalimutang panginip,
papalitan ng saplot ang halos hubad na kutson
mula sa pagpupumiglas ng katawan sa gabing nagdaan;
mapapalad ang mga nakaabot sa liwanag,
habang ang iba sa atin, sa madaling araw, ay tikom na bumabangon
sa balagbag ng bota na humihimpil
sa tapat ng kani-kaniyang pinto.