hindi pa man natatapos ng peryodista
ang artikulo tungkol sa isang aktibista
na pinaslang ng mga pinaghihinalaang militar
ay may panibago nanaman siyang kwento
na kailangan tapusin,
bago pa tuluyang matapos ang gabi.
masyadong mabagal ang sulat kamay
kumpara sa usal ng bibig,
kayat hawak niya ngayon ang recorder
at nagsalita:
dati na siyang nagsusulat ng mga tula
at kwento tungkol sa dukot, sa patay,
sa digma, at may ilang panahon na rin
sa larangan ng pamamahayag
ng mga pangalang binura sa mahabang
listahan ng mga taong labis ang galit,
pagpupumilit, panggi-giit ng labis
na paghahangad sa labis-labis
na panganib. ngunit ano pa nga ba
ang magagawa ng pagsisisi,
kung ang punlo ay nakatututok na sa likod ng ulo?
ilang minuto bago ang pagsambulat ng dugo mula sa noo.
ilang minuto bago ang pagkalabit ng gatilyo.
may motorsiklo na tumigil sa harap ng kaniyang bahay,
sinundan ng army trak, at bumaba
ang kung may ilang lalaki,
na hindi na niya nakita ang mukha.
subukan man niyang humingi ng tulong
huli na rin ang lahat. tumatahol ang mga aso sa labas.
itatago niya pa sana ang recorder sa ilalim ng kama
ngunit biglang bumukas ang pinto,
at mula sa likod ng kanyang ulo, isa-
isa silang kumalabit ng gatilyo.
0 comments:
Post a Comment