Sunday, October 2, 2011

Michael

Minsan, makikita mo ulit ang mga dati mong kaibigan. Mga kaibigan noong panahong wala ka pang limang dipa, at uhugin ka pang nagsisitakbo sa kalye kasama ang mga ka-kosa. At minsan, hindi rin naman aksidente na may kapangalan ka sa kanila, gaya ni Michael.

Pitong taon ka nang makilala mo siya, tanda mo yun, grade 1 ka at drayber ng service mo si mang Dave(RIP). Nakilala mo siya kasi isang araw pag-uwi mo galing school. Nag-aabang siya sa loob ng gate niyo, walang kasama, naka-uniform din, gaya ng uniform mo. Siyempre, tae sino ka? agad ang tanong mo. Hindi ko maalala, ang sagot niya. Kaya naman, sinabi mo sa kanya na Michael na lang pangalan mo, gaya ng pangalan mo, para pareho tayo.

At mula noon, pareho na kayo palagi ng suot, at gawi. Kapag tuyo almusal mo, tuyo rin almusal niya. Kapag adobo dinner niyo, aba biruin mong adobo rin dinner niya. Minsan rin naisip mo na napaka-swerte mo namang nakilala mo siya, BFF, para kang may kambal.

Pero nakakalungkot na bigla na lang isang madaling araw, kakatukin ka niya sa kwarto mo. Pa'no ka nakapasok? tanong mo, hindi importante sagot niya. tapos sinabi niya sa'yong salamat, sumagot ka nang OK. Sinarado niya pinto ng kwarto mo, mula noon hindi mo na siya nakita, hanggang ngayon.

Kasi kanina, kinse taon makalipas nung bigla siyang nawala, habang nakatitig ka sa salamin, naaninag mo siya sa labas ng bintana. Haay, ang kababata mong si Michael, biglang sisipot sa labas ng bintana, kumakaway-kaway sa katawan niyang limang taon pa rin hanggang ngayon.

0 comments:

Post a Comment