I.
Matapos mo akong iwan, itinuring ko nang bakal ang aking sarili, at ang lahat ng nilalang sa mundo bilang bato.
Nakita ko ang mga naggagandahang dilag bilang mga dyamante na hindi ko ninanais bilhin, ang ulap ay lahar sa pagsabog ng pinatubo, ang dilaw na araw ay nakabubulag na gintong walang paggagamitan, at ang mga maya ay putik na kinuyom sa kamao ng magsasaka at pinalipad tungo sa tahanan ng panginoon.
Kinasusuklam ko ang mga sulat na naipon sa ilalim ng aking kama, Pinanghihinayangan ko ang mga gabing pinagpuyatan sa paghihintay sa iyo, isinusuka ko ngayon ang pagnanasa ko sa iyong kaway, sa iyong mga kumusta at paalam.
Kaya't kung ikaw ay lalapit, asahan mong itataboy kita; kung ikaw ay ti-titig, ipipikit ko ang aking mga mata; at kung magkataong ang aking tainga ay dapuan ng iyong tinig, isisigaw ko ang lahat ng galit sa aking dibdib hanggang mabingi ko ang sariling pandinig mula sa nakapapaso mong himig.
Matapos mo akong iwan, itinuring ko nang lahat bilang bato—at ikaw, ang bato-balani sa kinakalawang na bakal kong puso.
II.
Minsan, may mangingibig na lumapit sa akin at inalok ako ng kaniyang pagmamahal, hindi ako natinag; natupok siya sa lamig ng aking balat, ng ginaw ng amihan, ng patay na simoy ng hangin at mga tuyong dahon sa daan. Sinabi niya na siya’y umaasa, ako man ay umaasa ring siya’y maglalaho. Ngunit gaya ko, siya rin ay hindi natinag, at magmula noo’y itinuring niya rin ang lahat bilang bato.
0 comments:
Post a Comment