Saturday, November 26, 2011

Paglaho/Pagbabalik

Kung maaari, isipin mo na lamang na ako’y naligaw lamang

sa aking daan pauwi, at balang araw ay muling magbabalik.


Sa katotohanan, nauna nang manumbalik sa iyo ang aking tawa

na dinala kanina ng mga ibon na nagpapahinga sa mga kable ng kuryente;


nakita mo na rin ang aking ngiti sa mga batang naghahabulan

habang namumulot ng bote sa mga basurahan;


ang aking yabag sa estudyanteng nakasunod sa iyo sa martsa;

at kanina, sa iyong pag-uwi, ang aking halik sa kape na pumaso sa iyong labi.


Darating ang disyembre at madarama mong muli ang init

na hatid ng aking yakap sa ilalim ng ating kumot.


Darating ang mayo, at matutunghayan mong muli ang aking luha

na nangingilid sa labas ng pisngi ng ating bintana.


Kung hindi pa rin ito sasapat, subukan mong tignan ang araw

sa pagitan ng mga pulang gulod, ito ang aking puso;


Tignan mo ang laksang tala sa langit, ito ay ako na nakatitig pabalik sa iyo;

Damhin mo ang simoy ng kabundukan, at pakinggan ang aking nanunuyo na bulong.


lagpasan mo, mahal, ang lungkot na naipit sa mga lukot na polyeto;

hayaang mong burahin at tanggalin ng hangin ang nawawala na tatak sa ilalim ng aking pangalan;


iwasan ang madidilim na kalsada, at bulag ang kanto pauwi sa ating tahanan;

iwasan mo ang labis na paglingon sa naglaho ko nang anino,


Datapwat, ibaling mo ang iyong mata sa dulo ng daan na hinuhulma ng digmaan,

at doon, sa punto ng pagsasalubong ng wakas at simula


naroon akong naghihintay, sa iyo, at sa sambayanan, nakahimlay sa pagitan

ng mga pitak ng lupa na minsang nating pinangarap na magkasamang tamnan.

No comments:

Post a Comment