Sunday, December 5, 2010

for HR

I.

Sa isang punit ng puting papel

Katabi ng tinimpla mo noong kape para sa akin,

Nakatipon ang mga letrang nagsasaad ng

Mahal, gabi na ako uuwi.

at lagda ng iyong halik—na

noong gabi rin mismong iyon

ay niluma ng hindi mo pag-uwi.

II.

Naglinis ako ng kwarto

Nang maging tulad ng balita ng pagdampot sa iyo,

Ang mabilis na paglitaw ng nagkalat mong buhok

sa nilakaran ng iyong anino.

Sinimulan kong pagpagin ang bawat ibabaw at loob

ng lahat ng aparador; winalis

ang ilalim ng hagdan

pati ng kama’t ilalim ng mesa, at isa-

isang dinampot ang iyong mga buhok

na kinulot ng matinding bilad sa init ng araw-

araw, ngunit ngayon marahil ay

sa lamig?

Ingat na ingat kong itinikom ang nagsusumigaw na mga hibla

Sa isang pilas ng gusot na papel,

lulan ang mamasa-masang mga letrang ginamit mo

Upang maging larawan

Ng iyong tahimik na paglisan.

III.

Naaala-ala mo pa ba—ang lagi mong biro sa akin:

Litrato ko na ang susunod na nakakabit sa ibabaw

Ng poster na may lagdang DINUKOT?

Ngunit bakit tila yata ngayon, ang biro’y nasa iyo.

IV.

Tuwing iidlip ako sa ating kama

Nadarama kong para bang hinahapo ang iyong kutson

At namimigat ang iyong unan,

Kung minsan sa madaling araw

namamaluktot ang iyong kumot

Sa lamig ng tama ng hangin mula sa bentilador:

Kadalasan akong nasusuntok at

Ang mga sulok-sulok nito’y patalim

Na dumadaplis sa aking pisngi—mahapdi:

Tila hiwang dulot ng iyong halik.

Kaya’t isinisingit ko ang aking tainga

Sa pagitan ng kubrekama, ngunit

Rinig ko pa rin ang iyong iyak;

Ang kumakawala mong tawag sa aking mahal.

Sa mga gabing tulad nito ng pagkabalam,

Wala akong magawa kung lamukusin

Ang iyong liham na tanging alaala

Ng iyong pagiging; mahigpit ko itong tinatanganan

Na parang patalim na ibinabaon, paloob

Sa aking dibdib.

V.

Wala na ang iyong pangalan sa lahat ng pahayagan;

Ang mga karatula, kung hindi man pawang puti ang naiwan

Kapalit ng iyong mukha, ay matagal na itong nilipad, nagkapunit-punit

At nalusaw sa pagbagsak nito sa mga nabubulok na kanal ng siyudad.

May mga nagsabi sa aking itinapon kayo sa nayon

Ang iba nama’y birong malamang sa ilalim kayo ng bundok ibinaon.

Unti-unting sumikip ang ating silid, hanggang isang araw

lumabas ako ng pinto, at kailanma’y hindi na nagbalik .

Pagkat marupok ang poste upang pasanin ang bigat ng inyong panawagan;

Paos ang peryodiko sa nagsusumigaw ninyong mga ngalan;

Napakarumi ng tubig sa makikitid kanal ng hustisya ng siyudad

ngunit ito mismo’y di kayang patayin ang apoy ng paghahanap—

na di makukulong sa apat na sulok ng silid.

At kung bundok nga itong ipinangbaon nila sa inyong katawan,

Marapat na itong hukayin nang lumaya nang lahat ng tinabunan;

Sa anong porma man ng punlo idaan, tahakin man ang matatayog na daan.

*Exodo

Oo, babawiin natin ang mga ninakaw na sandali,

Na pangalan, pagkilos, mga yakap, at sanlibong mga halik;

Ngunit di rito, bagkus doon, sa lugar na patutunguhan

Ng daan na nalikha sa pagpatag ng milyong

Mga paang natutong kumapit

Kahit sa madudulas na putik

At malilit na batong naka-usli.

Saturday, November 20, 2010

para sa issue zine


Manginginig ang silya sa lungkot ng pag-iisa,

Na tila panalanging ibinitin at nilagutan

Ng pakpak ang anghel niyang kabiyak,

Hindi siya maililigtas ng kanyang kaparehas;

Pagkat ang Pobre ay walang pambayad

Sa pobreng Unibersidad,

At ang pangungulila’y pinunan

Ng milyun-milyong puhunan. Nanginginig

Ang silya sa daing

Ng pananabik sa lamyos ng kalyo

Ng palad ng maralita;

Talas ng talim ng isip

Ng anak ng magsasaka. Nagngangalit

Ang kasukasuan ng upuan ng kawalan;

Waring nais tumindig at iulat

Ang listahan ng mga pangalang

Nawawala o di kaya’y binura

At nilapatan ng bagong mga ngalan. Isang araw,

Panibagong bangko ang mawawalan ng lulan

At madaragdagan pa ng isa at dalawa,

Tatlo, apat… hanggang itong silid

Ay maubusan ng laman, hanggang

Ang bulwagan ay mawalan nang laman.

Sa iisang daan, titindig, aabante

Ang mga nagsipaglisan, at doon

Sa iniwang bakas sa kalye ng sanlaksang

Paa na kumaskas, muling lulutang

Ang binura/tinakpan na mga pangalan.





Sunday, November 7, 2010

panaginip

una

ala-sais na ng gabi, kaya lumakad nanaman ang mga higante tungo sa kani-kaniyang mga lugar sa kalasada. sila, sa ngayon, ang pumalit sa mga poste ng ilaw, mahahaba silat mapapayat, walang maaninag na mukha sa kanilang purong itim na mga balat. tahimik ang gabi na parang walang galos sa lupa ang kanilang mga hakbang. linapitan ko ang isa sa kanila, at tumingala,
anong ginawa niyo sa mga poste? kagabi naman nandyan pa sila. yumuko ang higante at nagwika: sadyang napaka-tagal nang lumipas ng sinasabi mong kagabi.

pangalawa

nasa trinoma ako, nasaan ka? kinabahan ako sa text ni maan, na para bang hind ko na siya makikita. sumakay ako ng taxi at wala pang 'sang iglap, nasa loob na ako ng mall. nakita ko si carmina kaya't sa kanya ko tinanong kung nasa'n si maan: tama ka non, hindi mo na siya makikita.

Tuesday, November 2, 2010

ILOG ni Joey Ayala

Ang buhay ko ay isang ilog,
umaagos patungo sa laot.
Sa pagdaloy ay lumiliku-liko
ngunit dagat pa rin ang inaabot.

Ang buhay mo ay isang ilog,
umaagos patungo sa laot.
Sa pagdaloy tayo'y nagkatagpo
at ngayon tayo'y magkaisang tungo.

Lilikha tayo ng bagong daan,
uukitin sa bato ang kasaysayan
at walang hadlang na 'di malalagusan
habang tayo ay magkaisang tunay.

Lilikha tayo ng bagong daan,
uukitin sa bato ang kasaysayan
at walang hadlang na 'di malalagusan
habang tayo ay magkaisang tunay.

basura

ayokong ayoko ng pakiramdam ng pagtatapon ng basura. hindi yung tinging paisa-isa, pero yung tipong naka-supot sa isang malaking garbage bag at itinali, saka ila-laglag sa trash bin na di mo pa nakikita kahit kailan. may pakiramdam kasi akong merong importanteng bagay akong na-iwan doon, na hindi naman talaga basura, na sa segundong ito ay hindi ko na makikita, kahit kailan, sa maalingasaw na paglagapak ng supot sa huling basurahan na kanyang kahahantungan. o di kaya'y parang tuwing dumudulas ang supot mula sa aking kamay, parang mayroon akong hawak-hawak na kung anong sulat o wallet o address ng taong matagal ko nang hindi nakikita, na parang pati sila'y dumudulas din sa aking kamay, kasama ng basurang habambuhay nang itinapon.

Monday, November 1, 2010

panaginip kagabi

una

naka-ambang umulan ng napakalakas, alam ko, dahil nakikita ko na ang mga patak ng ulan, malayo pa man sila sa lupa. madilim na, malakas ang hangin kailangan ko ng masisilungan. sa isang waiting shed merong nakaupong apat na babae, tatlong hindi ko kilala, at yung isa ay si maxin arcebal. may dumating na kotse, sinabi ng mga babae na kailangan ko nang umalis, hindi na raw ako pwede roon, dahil padilim na, masama raw abutin ng dilim. tumakbo ako, papunta sa isang riles, hanggang makatawid ako. walang tao doon, wala ring bahay, madilim na at malamig, at biglang bumuhos yung ulan. sabi ko sa sarili ko, sabi ko na nga ba mali nanaman ako. bumalik ako sa waiting shed para maghintay ulit ng ibang makakasama/usap.

pangalawa

magulo sa bahay ng mga tibak, merong isang couch at isang tv, maraming nagyo-yosi at maraming nagi-inom, puti ang ilaw na malabo, na mas lumalabo pa dahil sa usok. wala akong masiksikan, dahil ayoko rin namang manood, may iba akong gusto, kaya hindi ako mapakali. pumunta ako sa isang sulok ng couch, humawak sa sandalan, nang lumapit si aryanna. lumuhod siya sa harap ko, tapos hinawakan niya kamay ko. malambot, naisip ko noon, parang kamay ni maan. tinanong ko kung bakit, hindi siya sumagot, humawak lang siya ulit, pero ngayon, gamit ang dalawang kamay.

Monday, October 25, 2010

kagabi

actually kaninang 3am.

kumain ako ng MALAKING bread na may 8 slices. but no, i only ate 2 slices. it was 2.30 am or so, at dead asleep na si patricia, and she was locked up in her room. after finishing off the second slice, i turned to the computer, which is, by the way only 5 feet away from the table, where the bread was. i went to check my fb, which took me around 30 seconds or so, then i got back to my bread, and i know it still has 6 slices on it. but oh no! it only had 3 when i got back, so i assumed patricia ate it, but then again, she's locked up in her room. i knocked to ask her, but she's so sleepy she didn't even had the 'power' to open her eyes.

i bet the thin air ate it.