Thursday, October 13, 2011

Pagkabigla/Pagkalunod

Ikaw ang pag-ibig na hindi dumating

ang kabog sa pusong hindi tumibok

ang mga gabing nilagpasan ng tulog.

Ikaw ang lumisan sa aking pagdating

yumuko nang tumingala ang ulo;

kaya’t diretso akong napalakad pagdating nang hangganan

nagpatuloy sa katapusan

nanood ng pelikula matapos ang credits sa sinehan

naligo pagtila ng ulan

at na-ngiti nang tapusin mo ang lahat

lumigaya sa iyong paglisan.

Sunday, October 2, 2011

Pag-ibig sa Isang Pulang Brigadista



Hindi mo kailangang mag-alala na baka hindi siya sumipot sa itinakda ninyong kitaan pagkatapos ng klase, pagkat masisigurado niyang naroon na siya, alas-syete pa lamang ng umaga.


Hindi ka rin dapat mabagabag kung hindi mo siputin ang pinag-usapan ninyong date, itutuloy niya pa rin ito, gaya ng napag-usapan.


Maaari hindi mo siya pansinin, pagkat mahusay siyang umangkop sa kondisyon, kaya niyang gumawa ng paraan.


Kung sakaling hindi mo na siya gusto at pranka mo siyang ihulog, ayos at mainam lamang, pagkat kasama niya ang brigada, hindi siya mag-iisa.


Hindi siya natatakot manguna sa panliligaw, normal lamang ito, sanay manguna ang mga pulang brigadista.


Kung nagnanais ka ng mga liham o sulat mula sa kanya, huwag mag-alala, gagawin niya ito, sa balatengga.


Ayos lang na masampal mo siya, hindi niya ito iindahin, basta’t punahin mo siya nang tapat sa kanyang pagkakamali, at gayundin, magpuna sa sarili. Siguradong mas masakit at mas maraming sampal at palo na ang kaniyang dinanas, lalo na sa embassy.


Hindi siya mgiging boring. Kung sa pinaka-materyal, nagr-RTR siya araw-araw mula pagpitik hanggang pagpikit ng araw, para lamang maubusan siya ng maku-kwento.


Maaaring hindi siya magaling magsa-wika ng kanyang pagmamahal, pagkat sukat niyang mas makapangyarihan ang pagsasapraktika ng teorya, kaysa sa simpleng pag-uusal nito.

Maaaring magmukha siyang mapusok kung minsan, sapat lamang, pagkat sinanay siya ng pakikibaka na kumilos nang mabilis at pasensyosong maghintay.


Maaaring puyat siyang palagi kung titignan, ngunit paniyak na ito ay para sa iyo at sa iyong mga karapatan, sa paghihintay, sa pagpupuyat, sa magdamag na pagpo-prodwork, para sa isang mas maayos na bukas na minimithing kasama ka, at ang sambayanan, ay masilayan.


P.S. Maaaring hindi ka parte ng pulang brigada, ngunit gaya nga ng sinabi ni mao, “…naging talibang pwersa sa pagmumulat ang kabataan ng Tsina (Pulang Brigada), at pinukaw nila hindi lamang ang sariling bagong henerasyon kundi pati ang malawak na masa ng mamamayan”, sa kalaunay miski ang pusong kimi ay mahirap nang hindi mahagip at malaon ay sumapi sa mapulang pag-ibig ng brigada sa rebolusyon at masa.



Sa Dilim


Hindi na mahimbing ang ating mga tulog;

tila hinahapo ang nag-iisang lundo sa kama

na binugbog ng di mibilang na oras

sa hindi mabilang bilang na magdamag.

Tuwing madaling araw, mabilis tumiklop

ang kumot sa pagtama ng hangin mula sa bentilador;

tumataas ang punda ng unan, tila mga kamay na sumusuko

habang tumatagos sa manipis nitong balat ang malamig na hangin.

Sa labas ng bintana, maririnig ang iyak

ng mga pusang naghahanap sa mga kuting na naliligaw

o di kaya ay dinukot, ng dilim?

hindi mapigil ang ungol ng mga katawang binabangungot

sa panandaliang dalaw ng mga anak, asawa at magulang

na agnas nang nadatnan sa pilapil, sa talahiban,

o sa ilog, palutang-lutang.

Sa umaga, mapalad na ang mga nagigising

baon ang natuyong luha mula sa pilit na kinakalimutang panginip,

papalitan ng saplot ang halos hubad na kutson

mula sa pagpupumiglas ng katawan sa gabing nagdaan;

mapapalad ang mga nakaabot sa liwanag,

habang ang iba sa atin, sa madaling araw, ay tikom na bumabangon

sa balagbag ng bota na humihimpil

sa tapat ng kani-kaniyang pinto.





Paglingon/Pagbalik


May mga gabing bumabalik sa tao ang lahat, kapag naririnig ang awit nila ng unang taong minahal. Maalala niya ang kwentuhan, sa kubli ng kanta sa radyo; halikan ng bulong sa labi ng kani-kaniyang telepono; mga magdamagang pakikinig sa nauupos na kanta sa computer, habang hinihintay magising ang mahal, sa kabilang dako ng mundo. At tuwing siya’y nakikinig ng musika, kasama ang bagong katipan, maiuusal niya ang ngalan ng unang minahal. Hindi iimik ang bagong kasintahan, magseselos, at kalauna'y paglilipasan ng kaniyang pandama.
Ang gabing ito'y nauupos sa paglipas ng segundo, habang tumutugtog sa radyo ang pinakamalungkot na kantang nalikha.




Friday, June 24, 2011

liham



Di mo na nalaman, ngunit kayraming salita ang aking isinipi

Para sa iyo, at sa iyong larangan, isinilid sa papel,

Itinupi, at ilang gabing tinimpi sa ilalim ng aking kama.


Naroon ay ang bilang at pangalan ng mga kasamang nadapa

Sa welga, mga naligaw sa martsa, mga nahuli’t humabol,

Mga hinuli, nagulpi, at ilang mga bumaklas sa hanay at piniling umuwi.


Naisingit din doon ang ilang piraso ng biging luha

ng mga taong di ko tiyak kung nalimutan mo lamang pagpaalaman

O sadyang iyong pilit pinagtaguan ng iyong paglisan;


May mga nagpaabot din ng diin ng paggigiit at pahabol na hinga;

Buntunghininga ng mga di naka-intindi, ng mga nanghinayang

At ng mga ayaw umamin na naiinggit lamang.


Naroon ang mga pananabik ko sa mga kwento mo

tungkol sa sapa, sa madulas na putik at matatalas na bato;

Ang mga napasong tanong, na parang papaano naitatanim ang binhi?


Paano inaani? paano pinapaningas ang baga kahit may ulan?

Paano nililinis ang kagubatan? Paano lumiliko ang batis sa batuhan,

Papaano humahawan ang tubig ng bagong mga daan?


At ang mga nahuling paalala, tungkol sa mga panganib

Ng nakapapasong liwanag ng tanghaling tapat

at nakamamatay ng lamig ng madaling araw.


Kaya, ang lahat ng mga letra’y walang matang dinaungan,

Nang sa wakas, kinuha ko ang sulat sa ilalim ng aking higaan.

Nilukot ang mga letra’t napiga ang mga bulong,


Napanis ang mga hinga sa giniginaw na palad,

At hinagkan ko ang liham, sabay siksik

Sa takip ng kahong nag-uwi sa iyong katawan.




Monday, April 4, 2011

Habilin (3rd draft)


Tila tumibok muli ang aking puso

Nang madama kong nariyan ka

Sa likod ng kumot

Na nakatakip

Sa aking katawan.

Mainit pa rin ang kamay mo,

Tila kahapon lang ang tatlong taon

Na nagdaan noong huli mong hinawakan

Ang aking kamay at hinagkan

Ang aking noo.

Oo, narito pa rin ang nunal sa tainga

At balat sa dibdib,

Pasensya ka na kung malaki

Ang aking ipinagbago,

Hindi ko rin ito ginusto.

Kung ako sa’yo ay iwan na lamang

Nakatago ang tinatakpan ng kumot,

Wala na kaliwang braso, ang kaliwang hita

Ay halos naputol na rin sa taga,

Niratrat ng bala ang tiyan, at ang puso

Ko ay wala

Sa butas na dibdib.

Ang nais ko sanang gawin mo,

Bilang ikaw na rin ay naparito,

Nais ko, na itago mo

Ang puso ko. Ngunit huwag

Mo nang tangkain na hanapin

Ito sa lupa

Na huling nahagkan. Wala ito roon.

Wala rin ito sa plaza, kung saan natuyo

Ang balat ng mga nanay na maghapong nagbantay

Sa tinutuyo kong dugo,

Hindi ito nalaglag sa dyip,

Hindi naiwan sa sako,

Bagkus, sa mga bahay

Sa Kalawakan

Ikaw ay magtungo. Hanapin ang tatay

Rudy, tatay Emir, nanay Sesil

Nang Joy, Ka Nicole, hanapin

Mo si Janjan, at sa kanila’y ibulong

Naparito po ba ang puso ni Eron?

Hahatakin ka nila isa-

Isa sa bawat sinasakang gulod,

Maghapon silang maga-araro

Hanggang mahango ng kanilang mga kamay

Ang aninong hinahangad.

Sa puntong iyon, tignan mo

Irog, ang magagaspang nilang palad

Tangan-tangan ang puso kong abo

Na tumitibok pa rin na ibinabalik sa iyo.





Sunday, December 5, 2010

for HR

I.

Sa isang punit ng puting papel

Katabi ng tinimpla mo noong kape para sa akin,

Nakatipon ang mga letrang nagsasaad ng

Mahal, gabi na ako uuwi.

at lagda ng iyong halik—na

noong gabi rin mismong iyon

ay niluma ng hindi mo pag-uwi.

II.

Naglinis ako ng kwarto

Nang maging tulad ng balita ng pagdampot sa iyo,

Ang mabilis na paglitaw ng nagkalat mong buhok

sa nilakaran ng iyong anino.

Sinimulan kong pagpagin ang bawat ibabaw at loob

ng lahat ng aparador; winalis

ang ilalim ng hagdan

pati ng kama’t ilalim ng mesa, at isa-

isang dinampot ang iyong mga buhok

na kinulot ng matinding bilad sa init ng araw-

araw, ngunit ngayon marahil ay

sa lamig?

Ingat na ingat kong itinikom ang nagsusumigaw na mga hibla

Sa isang pilas ng gusot na papel,

lulan ang mamasa-masang mga letrang ginamit mo

Upang maging larawan

Ng iyong tahimik na paglisan.

III.

Naaala-ala mo pa ba—ang lagi mong biro sa akin:

Litrato ko na ang susunod na nakakabit sa ibabaw

Ng poster na may lagdang DINUKOT?

Ngunit bakit tila yata ngayon, ang biro’y nasa iyo.

IV.

Tuwing iidlip ako sa ating kama

Nadarama kong para bang hinahapo ang iyong kutson

At namimigat ang iyong unan,

Kung minsan sa madaling araw

namamaluktot ang iyong kumot

Sa lamig ng tama ng hangin mula sa bentilador:

Kadalasan akong nasusuntok at

Ang mga sulok-sulok nito’y patalim

Na dumadaplis sa aking pisngi—mahapdi:

Tila hiwang dulot ng iyong halik.

Kaya’t isinisingit ko ang aking tainga

Sa pagitan ng kubrekama, ngunit

Rinig ko pa rin ang iyong iyak;

Ang kumakawala mong tawag sa aking mahal.

Sa mga gabing tulad nito ng pagkabalam,

Wala akong magawa kung lamukusin

Ang iyong liham na tanging alaala

Ng iyong pagiging; mahigpit ko itong tinatanganan

Na parang patalim na ibinabaon, paloob

Sa aking dibdib.

V.

Wala na ang iyong pangalan sa lahat ng pahayagan;

Ang mga karatula, kung hindi man pawang puti ang naiwan

Kapalit ng iyong mukha, ay matagal na itong nilipad, nagkapunit-punit

At nalusaw sa pagbagsak nito sa mga nabubulok na kanal ng siyudad.

May mga nagsabi sa aking itinapon kayo sa nayon

Ang iba nama’y birong malamang sa ilalim kayo ng bundok ibinaon.

Unti-unting sumikip ang ating silid, hanggang isang araw

lumabas ako ng pinto, at kailanma’y hindi na nagbalik .

Pagkat marupok ang poste upang pasanin ang bigat ng inyong panawagan;

Paos ang peryodiko sa nagsusumigaw ninyong mga ngalan;

Napakarumi ng tubig sa makikitid kanal ng hustisya ng siyudad

ngunit ito mismo’y di kayang patayin ang apoy ng paghahanap—

na di makukulong sa apat na sulok ng silid.

At kung bundok nga itong ipinangbaon nila sa inyong katawan,

Marapat na itong hukayin nang lumaya nang lahat ng tinabunan;

Sa anong porma man ng punlo idaan, tahakin man ang matatayog na daan.

*Exodo

Oo, babawiin natin ang mga ninakaw na sandali,

Na pangalan, pagkilos, mga yakap, at sanlibong mga halik;

Ngunit di rito, bagkus doon, sa lugar na patutunguhan

Ng daan na nalikha sa pagpatag ng milyong

Mga paang natutong kumapit

Kahit sa madudulas na putik

At malilit na batong naka-usli.