Monday, October 18, 2010

lohika ng imortal na pagibig

kung nais mong angkinin ang aking pag-ibig,
kailangan mong matutunang mabuhay nang wala ako
maaari ko sa'yong iwan ang aking salawal, kung nais mo.
ang aking buhok, sapatos, maging aking balat ay sa iyo na rin.
ngunit hindi ang aking puso, ang aking dugo, lalung lalo na
ang natitirang litid ng aking taba. pagkat kailangan ko ito
sa aking paglisan,
paglisang mabilis pa sa pagikot ng mundo
o sa paglipad ng mga bulong sa hangin. tatakbo ako
nang walang hintu-hinto, walang lingun-lingon
palayo sa iyo, at sa lahat ng mortal na iniwan,
mga pabigat sa katawan at lahat ng kagandahan
ng konstelasyon sa kalayuan,
kalayuang aking patutunguhan:
doon, sa di-maarok na liwanag,
sa epasyong nagtatago sa likod ng mga tala,
higit pa roon ang aking pupuntahan;
doon, kung saan mapupunit ang hangganan ng cosmos
at nabubulok ang mga ilaw
doon, sa lugar kung saanpipi itong relo
at walang buhay, habambuhay
mapapasa-iyo ang aking pagmamahal.

No comments:

Post a Comment