“..ang gabing ito ay sa rebolusyon, at sa dalawang natatanging tauhan.”
-Patrick Bautista
I
Pagkat basa ang ating mga balat, mula sa kani-kaniyang mga larangan
Kaya’t pinili nating lumisan, upang dito’y magtungo, at ipaubaya ang pag-ibig sa ibang gabi.
Pagka’t ang langit ay walang buwan , walang tala, wala rin ang mainit na simoy
Na magtutuyo ng basang-basa nating pagnanasa;
Basa ng pawis sa paglalakbay, ng luha ng pakikiramay
Basa ng laway at dugo ng nakikidigma nating kaluluwa; pagal
Sa magdamag na pagtatalumpati ng katotohanan ng walang hanggang pag-ibig
Natin sa katotohanan?
II.
Kaya’t ipaubaya na lang natin ang romansa sa nagkukubling buwan at mga tala
Hayaan na muna natin silang magsawa sa pag-ibig ng isa’t isa;
Upang magawa natin—bilang mga mortal—ang seremonya ng ating mga mortal na pagnanasa:
Ang pagbasag sa katahimikan ng imortal na pantasya. Gaya ng pagdurugo ng laman ni Kristo,
Mga bulok ng mga prutas sa Eden at pagtahimik ng baril sa gitna ng mainit na laban;
At tawagin natin itong hapag ng seremonya sa bansag na Rebolusyon:
Ang praktika sa dialektika ng sangkatauhan; ang pagdurog ng luma;
Ang harmonya ng ngayon: ang tipan ng bagong kaayusan, parang itinatakda
Ang katiyakan ng mga ako ay ganito, at ikaw, ay ganyan,
ang paglubog ng isa sa isa.
Sonata ng magkaiba sa proseso ng pag-iiba ng bawat isa—
Kaya, ibaba muna natin ang ating mga armas at patuluyin ang kumakatok
Na mandirigma. Patuluyin at kumustahin, patuluyin sa katahimikan ng ating pagiging.
Kilalanin natin ang dayuhan sa isa, at isa, sa lenggwahe ng mga tasa
Ng mainit na kape, ng malamlam na ilaw ng gabi, ng yosi at hamog
Na usok. Sa paglusaw ng ating mga inidibidwal na pagnanasa, dito
Sa pinag-tipanang hapag, upang iwan itong rebolusyon at ipagpatuloy
Ang naudlot na pag-ibig nang mag-Kasama.
No comments:
Post a Comment