Monday, October 18, 2010

tula ng pamamaalam

matapos ang tatlong taon,
wala ba diyang yakap na pasalubong?

oo, ito na nga, nay, ang nangyari sa akin:
daliri iyong hawak-hawak mo kanina
ngayon ang tawag diyan ay mga paa,
nahawi mo na rin ang aking buhok,
kaya't siguradong iyong naarok
ang istorya ng may-bangas na tuktok
at
alam mo bang naikwento na rin sa akin
ang mga himas na ito,
na maglalaro mula sa aking puyo,
bababa ang kamay, pari't parito
hanggang humantong
sa nag-iisang nunal sa gilid ng ulo.

kung ako sa iyo, nay, hayaan nang nakabalot
ang tinatago ng duguan na kumot:
hitang durog
magkahalong bayag at bulbol
sa malgkit na nana at tamod:
latak ng laksang inipong libog.

nasaan anak ang puso mong sumampa?
inusisa ang butas kong dibdib at walang nakita.
sa banging pinaghuluga'y wala nakita;
ang kampo'y walang nakita:
tahimik kapwa pulis at mga preso,
at mga lapida ng sementeryo sa iyong bisita.

datapwat,
sa mga bahay sa kabundukan, aplaya at sakahan
ika'y kumatok.
sa mga nanay, tatay, ate, kuya at kasama
mo itinanong
, naparito po ba ang puso ng aking anak?
mangyari po kasi ito'y minsan sa ami'y nawalay
at balitang dito umano, sa inyo, ay umagapay.
mangyari rin naman ika'y yayain
na sumulong sa palaisdaan at masaganang bukirin.
magdamag silang mag-aararo at manglalambat
hanggang mahango ng kalyuhin nilang palad
ang anino na hinahangad.
ngayon, tignan mo nanay magagaspang nilang kamao
tangan tangan ang puso kong abo
na tumitibok pa ring ibinabalik sa iyo.

No comments:

Post a Comment